Ayon sa ating Saligang Batas, hindi nakukulong ang sinuman dahil sa hindi pagbayad ng utang except kung ang pag-utang ninyo ay ginawa nang may panloloko or fraud or panlilinlang, halimbawa mapatunayang umutang na walang planong bayaran ang utang, in which case maaaring masaklaw ng estafa ang inyong ginawa na siyang may karampatang parusang kulong and/or multa.
Gayunpaman, pinapaalala namin na kailangan pong bayaran ang anumang pagkakautang. Maaaring partial payment or full payment ang gawin. Kung hindi pa fully paid at lumagpas na sa period ng pagbayad, maaari rin pong sampahan ng civil case for collection and damages ng inutangan ang may pagkakautang sa kanya. Maaari itong small claims kung ang utang ninyo ay hindi lalagpas sa P400,000 para sa Metropolitan Trial Courts o P300,000 para sa mga Municipal Trial Courts at Municipal Circuit Trial Courts, depende sa lugar.
Ayon sa ating Civil Code, hindi pwedeng maningil ng interest (or penalties) unless ito ay nasasaad sa isang kasulatan (expressly stipulated in writing). Kailangan din pong nasasaad sa nasabing kasulatan na mapapatawan ng interest ang natitirang unpaid interest mula sa nakaraang payment period para maging valid ang pagpataw nito. Wala rin naman pong limit ang rate ng interest basta siguruhin lamang na ito ay “reasonable”.
Kung may kasulatan kayo, ang utang ay mapapatawan ng interest (at penalties) kung nakasaad ito sa kasulatan hanggang hindi nababayaran. Kung sakaling may kasulatan nga ng pagbayad ng interest at umabot naman ito sa korte, pwede pong ireduce ng korte ang amount ng interest kung masabi nilang unfair or unconscionable ang nasabing amount ng interest.
Kung magpataw ng interest at walang kasulatan ay illegal ito at maaaring masaklaw ng criminal case na violation ng Truth in Lending Act or RA 3765.
Sa ganang ito, kung hindi kayang bayaran nang buo agad ang utang, pwede pong makipag-usap directly sa nagpautang sa inyo tungkol sa restructuring ng pagbayad sa utang upang maipaliwanag ang inyong sitwasyon at humiling na mapagaan ang pagbabayad nito. Paalala lamang na ang desisyon ng nagpautang na magbigay ng restructuring ay purely voluntary at hindi maaaring ipilit sa kanila. Kung anuman ang mapagkasunduan ninyo ay mabuting ilagay sa isang kasulatan at ipanotaryo.
Pinapaalala rin namin na ang kontrata o agreement sa pagitan ng umutang at inutangan ay may bisa ng batas sa pagitan nila. Kailangan pong sundin ang mga karapatan at obligasyon ng bawat isa na nakasaad dito.