Ayon sa R.A. No. 8550 o Philippine Fisheries Code, sa pangkalahatan, ang fishpond ay itinuturing na public land na pagmamay-ari ng gobyerno. Ito ay maaaring ipaupa o ipa-lease ng gobyerno sa mga qualified persons sa pamamagitan ng isang Foreshore Lease Agreement (FLA). Ang isang FLA ay may period ng 25 years na maaaring i-renew. Ang transfer o assignment of rights sa FLA ay maaari lamang gawin kung mayroong prior written approval ng Department of Agriculture through the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (“BFAR”).
Sa pag-issue ng FLA o Foreshore Lease Agreement, ang Department of Environment Natural Resources (DENR) at ilang mga officers nito kagaya ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ay may mga required na gawing proseso bago pa man maissue ang FLA. Maaari kayong sumangguni sa DENR Administrative Order 2004-24 na siyang naglalatag ng procedure sa pag-issue ng FLA. Ito ay maaari ninyong makita dito:
In general, walang ibang may karapatan sa fishpond maliban sa taong nakapangalan dito. Kung expired na ang FLA, wala nang kapasidad ang may hawak nito na ilipat o ibenta ang rights nito sa fishpond. Kung sakaling ibenta man ang FLA, tanging pag-upa o renta lamang ang natatransfer sa buyer dahil hindi naman nawala sa gobyerno ang pagmamay-ari nito. Kung ang pagbebenta o paglipat ng rights sa FLA ay walang prior written approval ng BFAR, hindi ito valid at maaaring ipawalang bisa ang kontrata ng pagbebenta sa pamamagitan ng pag-file ng angkop na kaso sa korte.
Kung may hindi pagkakasunduan tungkol sa FLA, pwedeng dumulog sa lupong tagapamayapa ng barangay na may sakop sa fishpond para subukang ayusin ang pagtatalo. Kung hindi naman magkasundo ang dalawang panig, maaaring magsampa ng formal protest ang mga mamamayan ng village sa CENRO na nakakasakop sa lugar. Sa protest na ito, maaaring tutulan ang pag-issue ng FLA kung ito ay hindi sumunod sa procedure na nakalatag sa DENR Administrative Order 2004-24 na nabanggit sa taas. Ang procedure ng pagfile ng protest ay makikita sa DENR Administrative Order 2016-31.
Maari ring magsampa ng kasong civil na naaayon sa A.M. No. 09-6-8-SC ng Supreme Court o ang Rules of Procedure for Environmental Cases. Maaaring ipaglaban ang karapatan ng mamamayan ng village na mabigyan ng daanan papunta sa dagat ayon sa Section 64 (h) ng Commonwealth Act No. 141, ang batas na nagtipon ng mga batas tungkol sa lands of public domain. Maaari ring gamitin ang Section 109 ng nasabing batas na nagsasabing hindi maaaring magrant ang lupa kung ito ay makakasira sa paggamit ng katabing portion ng dagat, foreshore, o di kaya ay magbibigay sa grantee ng mga karapatang detrimental sa public interest.