Malinaw ang Article 887 ng Civil Code. Ang anak sa labas ng kasal ay Itinuturing na compulsory heir, at may karapatan siya sa mana mula sa magulang.
Pero ayon sa Article 895 naman, ang karapatan sa mana ay katumbas ng kalahati (1/2) ng manang makukuha ng lehitimong anak ng tatay.
Pangalawa, mula naman sa mga kamag-anak ng tatay-
Dati, ang rule na sinusunod dito ay walang karapatan ang anak sa labas ng kasal na magmana mula sa sinumang kamag-anak ng kanyang tatay.
Ayon ito sa Article 992 ng Civil Code, na tinatawag ring iron curtain rule:
“Article 992. An illegitimate child has no right to inherit ab intestato from the legitimate children and relatives of his father or mother; nor shall such children or relatives inherit in the same manner from the illegitimate child.”
Article 992 ng Civil Code
Ang ganitong pagtrato naman, base sa panghuhusga o stigma na kadikit sa pagiging anak sa labas, at sa assumption na itinatakwil ng pamilya ng tatay ang batang ito.
Sa desisyon ng Supreme Court sa kasong Aquino v. Aquino noong 2021, binago ng korte ang interpretasyon dito, pero para sa ibang kaso lang.
Kung naunang namatay ang tatay, at kalaunan ay pumanaw ang lolo o lola sa panig ng ama, pwedeng magmana ang anak sa labas mula sa kanyang lolo o lola, by virtue of the right of representation.
Sa ganitong sitwasyon lang may karapatan ang anak sa labas o nonmarital child na magmana mula sa kamag-anak ng tatay.
Paliwanag ng korte, ayon sa Constitution at mga bagong batas, klaro ang intensyong protektahan ang karapatan ng mga bata, at hindi na tama ang presumption na itinatakwil ng pamilya ng tatay ang anak sa labas ng kasal. Dapat, mangibabaw ang best interests ng bata.
Bilang summary- may karapatang magmana ang anak sa labas mula sa tatay, katumbas ng ½ ng manang makukuha ng legitimate child nito.
Kung maunang pumanaw ang tatay bago ang lolo’ lola, maaari ring sa hinaharap ay magmana mula sa lolo’t lola by virtue of the right of representation.
Habang may distinction pa rin sa mana patungkol sa nonmarital children, unti-unti nang nagbabago ang perception ng lipunan dito.