Maaari pong magsampa ng kaso sa ilalim ng BP 22 o Bouncing Checks Law, kung mayroon ang mga sumusunod na elements:
(i) ang akusado ay nag-issue ng cheke para sa isang obligasyon;
(ii) alam ng akusado na walang sapat na pera sa bangko para rito; at
(iii) na-dishonor ang cheke ng bangko.
Sa kaso ng BP 22 naman, hindi kinakailangan patunayan na may panlolokong naganap na nagdulot ng pinsala sa biktima. Mismong ang pag-issue ng cheke ang pinaparusahan, at hinihinuha ng batas na ang aktong ito ay kaakibat ang kaalamang walang sapat na pera sa bangko para sa binabayaran.
Pwede pong isampa ang kaso para sa BP 22 sa loob ng 4 years kaya pasok pa ang kaso kung isasampa ninyo ngayon.
Bukod sa criminal case na nabanggit, pwede ring singilin ang value ng check na parang utang sa inyo.
Pwede pong simulan ang proseso sa pagpapadala ng demand letter sa may utang. Mainam tandaan na ilagay sa demand letter ang demand na magbayad siya ng utang niya at ang halaga nito, ang kasunduan o kontrata na basehan ng iyong demand, ang pagtakda ng panahon para tumugon sila sayo, at ang paalala na maaari kang gumamit ng iba pang legal remedies para maipaglaban ang iyong karapatan kung hindi siya tumugon sa takdang panahon. Bukod dito, mainam din tandaan na ipadala ang demand letter gamit ang registered mail para makakuha mula sa post office ng proof of service o patunay na ito ay napadala sa iyong sinisingil. Maaari ring ipadala ang sulat gamit ang mga private courier na mayroong system para mapakitang natanggap ng pinadalhan ang sulat.
Maipapayo ring dumulog sa Lupong Tagapamayapa ng barangay kung nasaan ang bahay ng may utang sa inyo. Kung magkasundo ay ilagay ito sa kasulatan at ipanotaryo. Kung hindi naman, magpaissue ng Certificate to File Action
Matapos magpadala ng demand letter at sumangguni sa Lupon ay saka magsasampa ng civil case for collection na maaaring sa small claims court or sa regular courts.
Maaaring masaklaw sa small claims court ang inyong kaso kung ang inyong hihilingin lamang ay ang pagbayad sa inyo ng perang inutang at kung ang amount ay hindi lalagpas sa P1,000,000.00. Hindi mo kailangan ng abogado upang mag-file ng kaso para sa small claims, at ipinagbabawal ang partisipasyon ng abogado sa ganitong proseso.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa small claims cases tulad ng mga sample ng forms at frequently asked questions, maaaring tignan ang susunod na link: https://oca.judiciary.gov.ph/small-claims/.
Kung hindi naman saklaw ng small claims court, maaaring isampa ang regular na civil case for collection of sum of money and damages sa Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court, or Municipal Circuit Trial Court, alinman ang applicable sa inyong lugar, kung ang amount na hinihiling ninyo ay di lalagpas sa P2Million. Kung ang amount na sisingilin naman ninyo ay lagpas sa P2Million, ito ay isasampa ninyo sa Regional Trial Court. Sa parehong sitwasyon ay pwede rin humiling ng danyos para sa perwisyong ginawa sa inyo.