Maaari itong pumasok sa mga krimen ng violation ng Data Privacy Act, Libel o Cyberlibel, Unjust Vexation.
Ayon sa Data Privacy Act o RA 10173, meron tayong karapatan na maprotektahan ang ating personal na impormasyon at masiguradong alam natin ang layunin sa paggamit nito, ang paggamit ay para lamang sa lehitimong layunin, at ang impormasyong gagamitin ay siya lamang kinakailangan para sa napahiwatig na layunin.
Sa pangkalahatan, maaari lamang kolektahin o gamitin ang personal na impormasyon (kasama dito ang pictures at video) ng isang tao kung siya ay nagbigay ng nakasulat na pahintulot (halimbawa, sa pamamagitan ng paglagda ng isang consent form). Kung walang nakasulat na pahintulot, at pinagkalat ang iyong personal information or sensitive personal information, maaaring makasuhan ang may gawa ng violation ng Data Privacy Act. Mayroon itong karampatang parusang kulong o/at multa.
Ayon naman sa ating Revised Penal Code, sa pangkalahatan, ang krimen ng libel ay ang paglathala sa publiko (maaaring sulat, post sa social media, o “slander” sa pamamagitan ng salita) ng mga sadyang malisyosong imputasyon o pahayag na nakakapanira ng puri. Mayroon din itong karampatang parusang kulong o/at multa.
Ang mga elemento ng krimen na ito ay:
(i) ang mensahe ay dapat nakapaninirang-puri;
(ii) ang motibo rito ay malisyoso;
(iii) ang pagbitaw ng mensahe ay publikong ginawa o inilathala;
(iv) ang biktima ay pinangalanan o halatang pinatutunguhan.
Kailangang meron ang lahat ng elementong ito para ituring na libel ang ginawa. Mayroon din itong karampatang parusang kulong o/at multa.
Kung ang mga binitawang salita ay ginawa sa pamamagitan ng pagpost sa social media, ito ay itinuturing na cyberlibel. Kapag napatunayan ang pagkakasala ng akusado sa krimen ng cyberlibel, may karampatang parusa itong kulong na mas mataas kaysa sa simpleng libel o/at multa.
Kung hindi naman pumasok sa mga nabanggit ay maaaring pumasok naman sa Unjust Vexation ang kaso. Ayon sa Supreme Court, ang Unjust Vexation ay krimen na malawak ang saklaw kung saan napapaloob dito ang anumang gawain ng taong nagdadala ng annoyance, irritation, torment, distress or disturbance sa kaisipan ng taong pinatutunguhan ng nasabing gawain. Mayroon din itong karampatang parusang kulong o/at multa.
Ang elements naman nito ay:
(1) Mayroong human conduct ang offender na unjustly annoys or irritates ang biktima;
(2) Ang human conduct na ito ay ginawa ng offender nang walang violence;
(3) Ang human conduct na ito ng offender ay nagdala ng annoyance, irritation, torment, distress or disturbance sa biktima;
(4) Ang paggawa nito ng offender ay ginawa nang may criminal intent o sinadyang gawin para sa purpose na nabanggit;
Gayunman, iminimumungkahing subukan munang daanin ito sa mabuting usapan (halimbawa, ipaalam sa kanya na maaaring labag sa batas ang kanyang ginagawa at pakiusapang itigil niya ito).
Para sa mga criminal case na ito, kinakailangan magfile ng Complaint-Affidavit sa prosecutor’s office ng city or province kung saan nangyari ang offense. Kung nangyari ito online, pwede itong isampa sa city or province kung saan nakatira ang biktima.
Dagdag sa mga nabanggit na kriminal na kaso, maaari ring magsampa ng kasong sibil ang taong nakaranas ng pinsala dahil sa paninirang-puri ng iba. Ayon ito sa Article 33 ng Civil Code na nagsasabing sa mga kaso ng defamation, panloloko (fraud), at pisikal na pinsala (physical injuries), maaaring magsampa ng hiwalay na kasong sibil para sa danyos na naidulot ng mga nasabing mga kaso. Ang civil case ay maaaring tumakbo na hiwalay sa anumang kriminal na kaso na isasampa.
Kaugnay nito, sa ilalim ng Article 26 ng ating Civil Code, ang bawat isa ay dapat igalang ang dignidad, personalidad, privacy, at kapayapaan ng isip ng iba, lalo na ng mga kasama nito sa komunidad. Ang mga sumusunod na gawain ay dahilan para masampahan ng sibil na kaso para sa danyos:
i. pangengealam sa privacy ng ibang bahay;
ii. pagengealam o paggambala sa pribadongbuhay o ugnayang pamilya ng iba;
iii. pangiintriga sa iba na naging sanhi ng paglayo ng kanyang mga kaibigan;
iv. panggugulo o pamamahiya nang dahil sa kanyang relihiyosong paniniwala, katayuan sa lipunan, lugar ng kapanganakan, pisikal na katangian, o iba pang sariling kondisyon.