Sa pag-uupa, obligasyon ng landlord na ipaubaya at ipagamit sa tenant ang lugar.
At obligasyon naman ng tenant na bayaran ang napagkasunduang upa.
Ayon sa Article 1673 ng Civil Code, pwedeng paalisin ng landlord ang tenant base sa mga sumusunod na rason:
- a) Pagtatapos na ang napagkasunduang panahon ng upa;
- b) Hindi pagbayad ng upa;
- c) Paglabag sa terms and conditions ng kasunduan
- d) Paggamit ng lugar sa ibang layunin bukod sa napagkasunduan.
Pero- napakahalaga nito- hindi basta basta pwedeng sapilitang palayasin ng landlord ang tenant basta may rason.
Kailangan siyang dumaan sa tamang proseso at mag-file ng angkop na kaso para sa judicial ejectment (tinatawag na unlawful detainer).
Ibig sabihin- korte dapat ang mag-utos ng pagpapaalis sa tenant.
Ang exception dito ay kung may kasunduan, halimbawa sa lease contract, na nagpapantihulot sa landlord na bawiin ang possession sa inuupahang lugar gamit ang “necessary” o “reasonable” force.’
Kung walang ganitong kasunduan- hindi kayo sapilitang mapapaalis ng landlord lang.
Gayunman- may karapatan ang landlord na mag-file ng kaso para sa ejectment, at para na rin singilin ang nararapat na upa.
Kung hindi dumaan sa tamang proseso- at pinipilit kayong paalisin gamit ang seryosong dahas, pagbabanta, o pananakot- na para bang may grabeng pinsalang gagawin sa inyo kung hindi kayo sumunod,- pwede naman yang ituring na krimen ng grave coercion.
Gaya nga ng unang nabanggit, malinaw naman ang mga basic na obligasyon ng landlord at tenant.
Hindi kailangang dumating sa kasuhan- at posibleng magkaroon ng resolusyon sa magandang usapan.
Kung nahihirapang magbayad ng upa, pinakamabuti sigurong subukang kausapin nang maayos ang landlord, at makipag-areglo tungkol sa halaga at panahon ng pagbabayad ng upa.
Ang mga karapatan at obligasyon natin- sana gamitin at gampanan nang tapat, at huwag sanang abusuhin ng parehong landlord at tenant.