Kailangan pong siguruhin na notaryado ang Deed of Absolute Sale (DOAS) para magamit sa pagtransfer ng titulo ng lupa. Dapat din pong siguruhin na kumpleto ang detalye sa DOAS kagaya ng pangalan ng seller, pangalan ng buyer, ang tamang title number at technical description ng lupa, ang presyo ng bentahan, at iba pang mahahalagang dates involved specially kung installment ang bayaran.
Maipapayong ipa-annotate agad ito sa titulo ng lupa para hindi maunahan magparehistro sakaling ibenta ulit ang lupa sa ibang tao.
Ang DOAS ang dokumentong gagamitin para isubmit sa BIR para magbayad ng kaulang taxes para sa transfer nito. Matapos nito ay magissue ang BIR ng Certificate Authorizing Registration (CAR) na magsasabing bayad na nga kayo sa taxes para sa transfer.
Kailangan isubmit ang mga sumusunod sa Registry of Deeds para matransfer ang titulo sa inyong pangalan:
• Certificate Authorizing Registration (mula sa BIR)
• Deed of Absolute Sale
• Original Owner’s Copy of Title (galing sa seller)
• Realty Tax Clearance (mula sa assessor’s office ng LGU kung nasaan ang lupa)
• Certified True Copy of Tax Declaration(mula sa assessor’s office ng LGU kung nasaan ang lupa)
• Transfer Tax Receipt/clearance (mula sa Treasurer’s Office ng LGU kung nasaan ang lupa)
Mayroon pong mga kaukulang fees at taxes na babayaran sa LGU kung nasaan ang lupa bukod pa sa babayarang fees and taxes sa BIR. Mayroon din pong fees sa Registry of Deeds sa pagtransfer ng title nito sa inyong pangalan.
Pinapaalala din namin na dapat ay ipatransfer ang tax declaration matapos mapatransfer ang titulo. Gagawin ito sa Assessor’s Office at mayroon din itong fees na kaakibat.