Pwede lamang itong mabawi kung hindi pa natransfer ang titulo sa pangalan ng isang innocent purchaser for value. Ibig sabihin, kung ang lupa ay natransfer na sa pangalan ng isang taong binayaran ang full value ng lupa at nabili ito na wala siyang alam or dahilan para magduda na may ibang may-ari or claim sa lupa, at ang titulo naman ng lupa ay walang indication na may ibang may-ari pala ito, binibigay na ng batas sa kanya ang karapatan dito.
Gayunpaman, kung hindi pa nga natransfer sa sinasabing innocent purchaser for value, masasabing pekeng titulo o dokumento ang pinag-ugatan ng transfer ng lupa dahil nga hindi alam ng tunay na may-ari kung paano ito natransfer sa iba. Sa kadahilanang pekeng titulo o dokumento ang pinag-ugatan ng pagkaka-transfer ng titulo ng lupa sa ibang tao, maaaring mag-file sa korte ng action for reconveyance and cancellation of title laban sa nakapangalan sa titulo (o mga anak nito kung patay na) sa loob ng sampung (10) taon mula sa pagkakarehistro ng lupa o di kaya ay mula sa pagkakadiskubre ng pagkakatitulo nito. Dito ninyo maaaring ipresenta sa korte ang mga patunay na kayo ang tunay na may-ari at na pagkakamali lamang ang naging pag-transfer ng titulo sa iba sapagkat ang titulo o dokumentong ginamit sa pag-transfer ay peke.
Maaari rin kayong magsampa ng kasong kriminal para sa falsification of public documents laban sa mga nagpagawa at gumawa ng pekeng titulo o dokumento ng inyong lupa. Ang kasong ito ay may kaukulang parusang kulong o/at multa.
Maipapayo na alamin kung paano nailipat ang titulo ng lupa sa pangalan ng iba. Maaari itong makita kung kayo ay magrerequest sa Registry of Deeds na may sakop sa lupa at magrequest na makita o maverify ang lumang titulo. Doon ay maaari ninyong makita ang huling entry sa “Memorandum of Encumbrances” at doon ninyo makikita kung anong dokumento ang ginamit para mailipat ang pangalan ng titulo. Makikita rin ninyo ang title number ng panibagong titulo. Makikita rin ninyo sa ibang entry kung mayroon bang nagrequest ng panibagong Owner’s Copy.
Maipapayo na kayo ay magrequest ng kopya ng: (1) panibagong titulo upang malaman kung kanino na ito nakapangalan; (2) dokumentong ginamit upang matransfer ang pangalan ng titulo; at (3) dokumentong ginamit upang makapagpa-issue ng panibagong Owner’s Copy. Mula sa mga dokumentong ito ay malalaman ninyo kung paano natransfer ang lupa, sino ang may gawa, at kung mayroon bang pineke sa mga dokumentong ito.
Madalas din pong modus operandi ng mga namemeke ng dokumento para makapagtitulo sa kanilang pangalan ay gagawa ng affidavit of loss at sasabihing nabili na nila ang lupa at binigay sa kanila ang original na Owner’s Copy pero nawala lamang nila. Ipapa-annotate nila ang affidavit of loss sa titulo ninyo sa Registry of Deeds at saka magsasampa ng Petition for Issuance of New Owner’s Copy sa korte na may sakop sa lupa. Matapos ang mga hearing ay mag-issue ang korte ng Order para ang Registry of Deeds ay mag-issue ng bagong owner’s copy. Pagkatapos ay gagamitin nila ang bagong owner’s copy at gagawa sila ng pekeng Deed of Sale at i-forge nila ang signature ninyo na tunay na may-ari para palabasing naibenta na ninyo sa kanila ang lupa. Ito na rin ang gagamitin nila para ipatransfer ang titulo sa kanilang pangalan.