Pwede pong simulan ang proseso sa pagpapadala ng demand letter sa may hawak ng titulo. Mainam tandaan na ilagay sa demand letter ang demand na ilabas o ibigay ang titulo, ang kasunduan o kontrata o anumang fact na magpapakita ng iyong karapatan sa titulo na basehan ng iyong demand, ang pagtakda ng panahon para tumugon sila sayo , at ang paalala na maaari kang gumamit ng iba pang legal remedies para maipaglaban ang iyong karapatan kung hindi siya tumugon sa takdang panahon. Bukod dito, mainam din tandaan na ipadala ang demand letter gamit ang registered mail para makakuha mula sa post office ng proof of service o patunay na ito ay napadala sa iyong sinisingil. Maaari ring ipadala ang sulat gamit ang mga private courier na mayroong system para mapakitang natanggap ng pinadalhan ang sulat.
Maipapayo ring dumulog sa Lupong Tagapamayapa ng barangay kung nasaan ang bahay ng may hawak ng titulo. Kung magkasundo ay ilagay ito sa kasulatan at ipanotaryo. Kung hindi naman, magpaissue ng Certificate to File Action.
Maaaring magsampa ng Petition for Replevin na isang action to recover possession ng isang personal property, tulad ng titulo ng isang lupa. Kailangan mapatunayan sa kaso na kayo ay may karapatan sa titulo kaya ito ay dapat ilabas o ibigay sa inyo.