May tatlo kayong option dito:
(1) Singilin ang utang sa pamamagitan ng pagfile ng kaso
Maaaring masaklaw sa small claims court ang inyong kaso kung ang inyong hihilingin lamang ay ang pagbayad sa inyo ng perang inutang at kung ang amount ay hindi lalagpas sa P1,000,000.00. Hindi mo kailangan ng abogado upang mag-file ng kaso para sa small claims, at ipinagbabawal ang partisipasyon ng abogado sa ganitong proseso.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa small claims cases tulad ng mga sample ng forms at frequently asked questions, maaaring tignan ang susunod na link: https://oca.judiciary.gov.ph/small-claims/.
Kung hindi naman saklaw ng small claims court, maaaring isampa ang regular na civil case for collection of sum of money and damages sa Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court, or Municipal Circuit Trial Court, alinman ang applicable sa inyong lugar, kung ang amount na hinihiling ninyo ay di lalagpas sa P2Million. Kung ang amount na sisingilin naman ninyo ay lagpas sa P2Million, ito ay isasampa ninyo sa Regional Trial Court. Sa parehong sitwasyon ay pwede rin humiling ng danyos para sa perwisyong ginawa sa inyo.
(2) Magsampa ng kaso para hilingin sa korte na magkaroon ng judicial foreclosure ng sangla kung saan magkakaroon ng pagdinig at kung sabihin ng korte na pwedeng iforeclose ang property ay bibigyan ng 90 to 120 days ang umutang na bayaran ito at kung hindi makabayad ay saka ibebenta ito sa pamamagitan ng public auction sale at ibibigay sa inyo ang pinagbentahan sa pinakamataas na bid.
Dito po, maaari pa ninyong habulin ang balanse ng utang kung kulang ang pinagbentahan ng sinangla na bahay at lupa. Sa sitwasyong kulang ang pinagbentahan para mabayaran ang utang ng nagsangla, maaaring magkaroon ng judgment ang court na iutos na gamitin pa ang ibang property ng umutang para mabayaran nang buo ang balanse.
(3) Extrajudicial foreclosure, kung saan hindi dadaan sa korte ang proseso kundi sa clerk of court. Kailangan na may notice ang umutang at may publication tungkol dito. Kung sakaling magkulang naman, pwede pa ring magsampa ng kaso para habulin ang balanse mula sa nagsangla.