Kailangan pong ipaliwanag na ang National Bureau of Investigation o NBI ay isang investigative body. Ibig sabihin ito ay nag-iimbestiga sa mga posibleng maisampang criminal cases, maging base man sa reklamo ng pribadong indibidwal o sa sarili nilang initiative.
Kung makatanggap ng subpoena mula sa NBI, maaaring ang taong nakatanggap nito ay magiging witness o siya mismong respondent sa posibleng kasong kriminal na isasampa.
Kung makatanggap nga ng subpoena, una, iminumungkahing kumuha agad ng abogado. Mainam ipaliwanag na sinumang paksa ng isang imbestigasyon ng pulis o NBI ay may karapatan na magkaroon ng tulong mula sa isang abogado, at walang pananakot o bantang maaaring gamitin para itanggi ang karapatang ito.
Pangalawa, huwag pupunta sa NBI nang mag-isa. Mas mainam kung ang abogado ninyo ang pupunta para sa inyo.
Pangatlo, kung may ka-contact o bibisita sa inyong NBI agent: (i) hingin ang ID at pangalan. Isulat ito, o kung papayagan, kuhanan ng litrato ang ID; at (ii) magalang pero mariing sabihing hindi mo puwedeng sagutin ang mga tanong nito hanggang wala ang abogado mo.
Huli, dapat agad hingin ng inyong abogado ang sangkot na dokumento tulad ng kopya ng complaint at supporting documents mula sa NBI.