Hindi porke ibinigay ang titulo sa inutangan, nakasangla na ang lupa at may karapatan na siya dito.
Una, pag-usapan natin ang pagsangla ng real property o “real estate mortgage.”
Ang “real estate mortgage” ay isang kontrata kung saan ang umutang ay ginagarantiya ang pagbayad nito sa pamamagitan ng pag-alay ng real property bilang security.
Dito, may kasunduan ang dalawang panig na kung hindi mabayaran ang utang sa takdang panahon, pwedeng ibenta ang real property, at gamitin ang halagang makukuha para bayaran ang utang.
Ito ang tinatawag na pag-remata o “foreclosure.”
Pero bago iyan, kailangan munang alamin kung sa sitwasyon- talaga bang may kasunduang isangla ang lupa, at meron ba talagang valid na real estate mortgage:
Requirements sa real estate mortgage
Ayon sa Civil Code , ang requirements ay:
- Ang mortgage ay pinagkasunduan para i-secure ang obligasyon (i.e. pagbayad ng utang);
- Ang nagsangla ay absolute owner ng sinanglang property;
- May free disposal (malayang kontrol) sa property ang nagsangla; at
- Ayon sa kasunduan, ang sinanglang property ay pwedeng ibenta kung hindi nabayaran ang utang para bayaran ito.
Ang real estate mortgage ay karaniwang nakapaloob sa isang “Real Estate Mortgage Agreement.” At para maging binding sa ibang tao- kailangan itong ipa-rehistro sa Register of Deeds.
In general, sa mga valid na real estate mortgage — ipinagbabawal ng batas na angkinin ng inutangan ang mismong property bilang kabayaran sa utang. Ang pwede lang gawin ay foreclosure.
Maaari ring bawiin ang titulong binigay, at kung tatanggi ang nagpautang na ibalik ito, puwedeng magsampa ng Petition for Replevin, na isang action to recover possession ng personal property tulad ng titulo.
Para naman makasingil ang inutangan, kailangan niyang magsampa ng civil case.