Pwedeng ireklamo sa lokal na pamahalaan ang mabaho at malangaw na piggery ng inyong kapitbahay.
Ang ganitong sitwasyon ay maituturing na “public nuisance” sa ilalim ng Civil Code, dahil nakakaapekto ito sa inyong komunidad.
Ayon sa Article 694, ang nuisance ay isang akto, establisimyento, o iba pang bagay na:
- a) nakakapinsala o nagdadala ng panganib sa kalusugan o kaligtasan ng iba;
- b) nakakairtia sa pandama o senses;
- c) hindi disente o imoral;
- d) nakaka-obstruct sa daanan; o
- e) nakaka-hadlang sa paggamit ng isang property.
Sa ilalim naman ng Sanitation Code — ang anumang gusali o istraktura na ginagamit para mag-alaga ng hayop ay dapat panatiliing malinis, at walang naiipong kalat.
Ang dumi ng mga hayop- dapat dinidispose ayon sa patakaran ng lokal na pamahalaan, at hindi ito dapat umaabot sa daan, kalsada, anumang katawan ng tubig, o sa bakuran ng iba.
Kung ang dumi mula sa piggery an nakakasagabal o nakakapinsala sa inyong komunidad- pwede niyo itong i-reklamo sa inyong barangay, para subuking magkaroon ng solusyon at resolusyon sa isyu.
Kung hindi pa rin magpakatino ang kapitbahay, ang mga pwedeng remedy ay:
- a) Una- magsampa ng kaso para sa violation ng ordinansyang lokal- (pwedeng i-check kung ang piggery ba ay may angkop na permits mula sa lungsod o munisipyo o kung may specific na parusa sa ginagawang pagkakalat);
- b) Pangalawa- magsampa ng civil case para pilitang ipaalis ang nuisance; o
- c) Pangatlo- sumangguni sa inyong sangguniang panlungsod o munisipyo para hingin na ipatanggal nila ang nuisance.
Dapat lagi tayong may kamalayan sa epekto ng ginagawa natin sa iba.
At kung nakakaperwisyo sa komunidad- maituturing na nuisance at pwedeng hingin ng iba na sapilitang ipatanggal o ipatigil ito.