Sa pangkalahatan, ang pagpapanotaryo ay nangangahulugang ang isang tao ay pumunta nang personal sa isang notaryo publiko (notary public) at sa mismong presensiya ng nasabing notary ay pinirmahan niya ang kasulatang ipinanotaryo o di kaya ay sinumpaan niya sa notary na ang dokumentong pinepresenta niya dito ay talagang pinirmahan at sinang-ayunan niya. Ang legal effect ng pagnonotaryo sa dokumento ay ang ebidensyang ang taong nasa harap ng notary ang siya mismong pumirma sa nasabing document.
Kapag ang isang dokumento ay notaryado, ito ay tinuturing ng ating batas na isang public document na mabisang ebidensiya ng mga nilalaman nito. May mga specific din na dokumentong required ng ating batas na nasa isang notaryadong dokumento. Isang halimbawa nito ay ang Deed of Donation.