Pwede ninyong singilin ang anumang gastos at danyos dahil sa aksidente. Pwede rin kayong magsampa ng criminal case para sa Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property and Physical Injuries o Homicide, depende sa sitwasyon.
Pwede pong simulan ang proseso sa pagpapadala ng demand letter sa naka-aksidente. Mainam tandaan na ilagay sa demand letter ang demand na magbayad siya ng ginastos ninyo at danyos at ang halaga nito, ang aksidenteng basehan ng iyong demand, ang pagtakda ng panahon para tumugon sila sayo, at ang paalala na maaari kang gumamit ng iba pang legal remedies para maipaglaban ang iyong karapatan kung hindi siya tumugon sa takdang panahon. Bukod dito, mainam din tandaan na ipadala ang demand letter gamit ang registered mail para makakuha mula sa post office ng proof of service o patunay na ito ay napadala sa iyong sinisingil. Maaari ring ipadala ang sulat gamit ang mga private courier na mayroong system para mapakitang natanggap ng pinadalhan ang sulat.
Maipapayo ring dumulog sa Lupong Tagapamayapa ng barangay kung nasaan ang bahay ng sinisingil ninyo. Kung magkasundo ay ilagay ito sa kasulatan at ipanotaryo. Kung hindi naman, magpaissue ng Certificate to File Action
Matapos magpadala ng demand letter at sumangguni sa Lupon ay saka magsasampa ng civil case for damages.
Bukod sa civil cases na nabanggit, pwede rin kayong magsampa ng criminal case for Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property and Physical Injuries o Homicide, depende nga sa sitwasyon. Mayroon naman pong karampatang parusang kulong or multa ang mga nabanggit na kaso. Kung damage to property lamang at walang nasaktan sa aksidente, parusang multa ang maaaring kaharapin.