Kung hiningan kayo ng pera para sa investment, at may pangako ng mabilis, sigurado, at napakalaking kita, malamang sa malamang ay may panlolokong nangyayari.
Kung na-biktima ng investment scheme na hindi naman totoo, maaaring magsampa ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315(2(a) ng Revised Penal Code. May parusa itong pagkakulong o multa depende sa halaga ng perang nakuha.
Sa kasong ito, puwedeng hingin ang pagbalik ng perang ibinigay, dagdag pa sa danyos para sa pinsalang naranasan dahil sa panloloko. Sa ganitong estafa, kailangang mapatunayan na:
- may panlilinlang na ginawa ang may sala;
- ang panlilinlang na ito ay ginawa bago o sabay ng pagkuha ng pera;
- ang biktima ay umasa sa panlilinlang para piliing ibigay ang pera sa may sala; at
- dahil dito, may pinsalang nadulot sa biktima.
Paglabag sa Securities Regulation Code
Bukod sa estafa, depende sa sitwasyon ay maaaari rin itong ituring na paglabag sa Securities Regulation Code.
Dito, ipinagbabawal ang pagbenta ng interes sa negosyo nang walang angkop na registration mula sa sa Securities and Exchange Commission (SEC), at ang paggamit ng panloloko o fraud sa pagbenta ng investments sa publiko. May parusa rin itong pagkakakulong at multa.
Ang ginawang panloloko ay puwedeng i-report sa SEC:
Enforcement and Investor Protection Department
E-mail: epd@sec.gov.ph
Landline (02) 8818-6337.
Puwede rin itong i-report sa NBI:
Anti-Fraud Division
Email: afad@nbi.gov.ph
Landline (02) 8525-4093
Website: http://www.nbi.gov.ph
Puwede ring makipag-ugnayan sa local police sa inyo.