Sa batas natin sa Pilipinas ay wala pang divorce.
Gayunman, kinikilala rito sa atin ang divorce na nakuha ng isang Pilipinong kinasal sa ibang bansa.
Ayon sa ating Family Code:
“Art. 26. All marriages solemnized outside the Philippines, in accordance with the laws in force in the country where they were solemnized, and valid there as such, shall also be valid in this country, except those prohibited under Articles 35(1),(4),(5) and (6),36, 37 and 38.”
Article 26 ng Family Code
Ibig sabihin, kung ang Pilipino ay kinasal sa ibang bansa, basta valid ‘yon sa batas ng bansa kung saan kinasal, kinikilala rin ito sa Pilipinas.
May karugtong pa ito:
“Where a marriage between a Filipino citizen and a foreigner is validly celebrated and a divorce is thereafter validly obtained abroad by the alien spouse capacitating him or her to remarry, the Filipino spouse shall likewise have capacity to remarry under Philippine law.
Article 26 ng Family Code
Ibig sabihin, kung ang mag-asawa ay isang Pilipino at isang foreigner- o tinatawag ring mixed marriage- at nagkaroon ng divorce abroad alinsunod sa batas ng ibang bansa, dapat kilalanin rin ng batas ng Pilipinas na diborsyado na ang Pilipino at malaya nang muling magpakasal dito.
Isinama ang exception na ito sa ating Family Code para maiwasan ang ‘di makatarungang sitwasyon na ‘yung foreigner ay itinuturing nang diborsyado s akanyang bansa niya at puwede pang may bago ng asawa.
Pero yung Pilipino, sa batas natin, married pa rin. Kung walang ganitong exception, talagang kawawa naman yung Pilipino.
Dati, strikto ang requirements ng korte natin para maging applicable ang exception na ito — dapat, ang divorce abroad ay initiated at obtained by the foreigner. Kung ang kumuha ng divorce ay ‘yung Pilipino — ‘di yan kikilalanin sa bansa natin.
Pero noong 2018, sa kasong Republic v. Manalo, ni-relax ng Supreme Court ang requirement na ito. Wala namang diperensya kung sino ang nag-initiate ng divorce, basta na-grant ito, dahil pareho pa rin ang epekto.
Proseso sa pagkilala ng foreign divorce dito sa Pilipinas
Para pormal na kilalanin ang foreign divorce dito sa Pilipinas, kailangang mag-file sa court ng isang Petition for Recognition and Enforcement of a Foreign Judgment.
Kailangang i-presenta at patunayan ang batas ng bansang pinagmulan ng foreigner at kung saan naganap ang divorce, at na ang foreign divorce ay lehitimong naganap alinsunod sa kanilang batas. Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-presenta ng official records.