Para pormal na mailipat sa mga pangalan ng tagapagmana ang naiwang ari-arian ng namayapa, kailangan pong dumaan sa prosesong tinatawag na settlement of estate.
Pwede po itong gawing extrajudicially (o sa labas ng korte) o judicially (sa pamamagitan ng kaso sa korte).
Ang extrajudicial settlement of estate ay pagkakasundo ng mga naiwang tagapagmana tungkol sa hatian nito.
Pwede po ninyo itong gawin, basta kumpleto ang lahat ng requirements:
- Walang naiwang last will and testament ang pumanaw;
- Walang naiwang utang ang pumanaw o nabayaran na lahat ito;
- Edad (18) pataas ang mga magmamana, o kung minor-de-edad ay rmay legal representative;
- Ang dokumentong naglalaman ng kasunduan ay notaryado at nai-file sa lokal na Register of Deeds; at
- Ang pagkakaroon ng extrajudicial settlement ay ilalathala sa dyaryo isang (1) beses kada lingo ng tatlong (3) linggo.
Sa dokumento, dapat malinaw ang detalye ng kasunduan sa mana, at kailangang nakasaad:
- Na kumpleto ang requirements;
- Description ng ari-ariang paghahati-hatian (e.g. title number, value/amount, location, size, technical description);
- Pangalan ng mga magmamana;
- Paraan ng paghahati-hati ng ari-arian; at
- Pangakong ilalathala ang pagkakaroon ng extrajudicial settlement ay ilalathala sa dyaryo ayon sa nailahad sa taas.
Pwede ring mag-require ng bond ang Register of Deeds depende sa property na naiwan, at paalala rin pong kailangang bayaran ang estate tax sa Bureau of Internal Revenue, bago ipa-rehistro ang extrajudicial settlement sa Register of Deeds.
Kung kumpleto ang requirements at ang extrajudicial settlement ay nai-file na, mag-iissue ang Register of Deeds ng titulo sa mga pangalan ng mga tagapagmana, base sa napagkasunduan dito.
Kung hindi naman po magkasundo ang mga tagapagmana, pwedeng mag-file sa korte ng petition for judicial settlement of estate.
Ito ay proseso kung saan susuriin ng korte ang lahat ng property ng pumanaw, ang mga utang at gastusin na sisingilin dito, at ang tamang hatian sa pagitan ng mga tagapagmanaayon sa batas.
Mas simpleng proseso ang extrajudicial settlement, pero kailangan pong kumpleto ang conditions at requirements na nabanggit.
Para sa karagdagang tanong sa estate tax, pwede pong i-contact ang lokal na opisina ng BIR sa: https://www.bir.gov.ph/index.php/contact-us/directory/regional-district-offices.html.
Para sa tanong tungkol sa proseso ng extrajudicial settelement, pwede naman pong i-contact ang lokal na Register of Deeds sa: https://testsite.lra.gov.ph/168-rd.html.