Ang eminent domain ay ang kapangyarihan ng gobyerno o local government unit (LGU) na kunin ang private property para sa mga government projects (halimbawa ay housing project, o di kaya ay gagawing kalsada ang lupang kukunin) nang may sapat na kabayaran para rito (just compensation). Ayon kasi sa Section 9, Article III ng ating Saligang Batas (1987 Constitution), private property shall not be taken for public use without just compensation. Dahil dito, may karapatan ang pribadong may-ari ng lupa na makatanggap na just compensation sa pagkuha ng LGU sa lupa para sa isang pampublikong proyekto.
Maaring lumapit sa may-ari ang LGU upang alukin kung interesado ang may-ari na ibenta sa kanila ang lupa. Kung may hindi pagkakasunduan sa tamang halaga ng compensation na dapat makuha ng may-ari, makakatanggap sila ng notice na magsasampa ang LGU ng expropriation proceedings sa korte.
Ang expropriation proceedings ay isang legal na proseso sa korte upang malaman ang tamang halaga na dapat ibigay ng LGU kapalit ng pagkuha sa lupa. Pagkatapos malaman ang tamang halaga, ipag-uutos ng korte na kunin ng LGU ang property at na ang may-ari ay makatanggap na ng just compensation.
Ayon R.A. No. 10752 o ang Right of Way Act, ang halaga ng just compensation na maaaring i-demand ay ang kabuuang halaga ng: (1) current market value ng lupa; (2) replacement cost ng mga istraktura at improvements na itinayo sa lupa; at (3) current market value ng mga puno at bunga sa lupa.
Kung sakaling magkaroon nga ng expropriation proceedings, maipapayong kumuha ng abogado ang may-ari ng lupa upang maipagtanggol ang kanyang karapatan na makatanggap ng just compensation.