Una sa lahat, ang ibig sabihin ng “not guilty” ay hindi napatunayan ng prosecution na ang nasasakdal ang siyang gumawa ng krimeng inaakusa laban sa kanya nang walang bahid ng pag-aalinlangan o beyond reasonable doubt.
In general, kung ang isang akusado ay natapos ma-arraign at dumaan sa mga hearing na kung saan ang hatol ay “not guilty”, pumapasok ito sa saklaw ng konsepto ng “double jeopardy”. Ayon sa ating Saligang Batas, ang isang tao ay hindi maaaring pumasok sa “double jeopardy” o mausig ng dalawang beses para sa iisang offense. Nakapaloob sa prinsipyong ito na ang isang taong nahatulan ng “not guilty” o samakatuwid ay acquitted ay hindi na maaaring usigin pang muli para sa offense kung saan siya ay napawalang-sala.
Liban na lamang ito sa rare cases na makitaan ang judge na humatol sa kanya ng grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction, na kung saan maaaring magsampa ng petition sa mas mataas na korte. Mariin pong pinapaalala na ang petisyong ito ay hindi dapat gamitin upang substitute sa apela at maaari lamang isampa kung malinaw na mayroong kaso ng pag-abuso sa discretion ang judge.