Ayon sa Article 283 ng Labor Code, lehitimong rason ang pag-terminate ng empleyado dahil sa redundancy. Ang redundancy ay isang sitwasyon kung saan ang posisyon ng empleyado ay labis sa makatwirang pangangailangan ng employer nito (halimbawa, kung humina ang negosyo).
Gayunman, kailangang tama ang prosesong sundan ng isang employer. Kung hindi, maituturing itong illegal termination. Kailangan ring ang pag-terminate dahil sa redundancy ay tunay na kinakailangan, at may sinunod ang employer na patas na criteria (hindi malisyosong ginawa). Kung wala ang mga ito, maaaari itong ituring na illegal termination.
Ayon sa batas, ang prosesong kailangang sundin ay ang pagbibigay ng employer ng written notice sa empleyado at sa Department of Labor and Employment (DOLE) ng hindi bababa sa isang (1) buwan bago ang effectivity ng termination.
Sa written notice na ibibigay sa DOLE, kailangan nitong patunayan na kinakailangan talaga ang gagawing termination (halimbawa, sa pamamagitan ng bagong staffing pattern, feasibility studies/proposal, at approval ng management sa restructuring), at ipakita kung anong criteria ang sinunod para pumili ng empleyadong i-teterminate (halimbawa, assessment ng efficiency o seniority, na hindi kailangang pirmado ng empleyado).
Ang mga empleyadong na-terminate dahil sa redundancy ay dapat bigyan ng separation pay katumbas ng ‘di bababa sa isang (1) buwang sahod o isang (1) buwang sahod para sa bawat taon ng serbisyo, anuman ang mas mataas (kung walang mas mataas na separation benefits sa ilalim ng kontrata, collective bargaining agreement, o polisiya ng kumpanya).
Kung hindi nasunod ang mga ito (halimbawa, dahil walang isang (1) buwan notice na ibinigay), maaaring i-reklamo ang employer sa DOLE.
Para rito, maaari kayong tumawag sa 24/7 Hotline sa numerong 1349. Maaari ring ma-contact ang mga lokal na DOLE office sa sumusunod na link: http://ble.dole.gov.ph/index.php/contactusmenu/115-dole-regional-offices.