Ayon sa RA 9165, kung ang isang tao ay napatunayang lumabag sa section 5 o Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs, ang kaukulang parusa ay habangbuhay na pagkabilanggo.
Ayon rin sa nasabing batas, ang parusa sa sinumang napatunayang lumabag sa section 11 o Possession of Dangerous Drugs ay depende sa gramo. Sa kaso ng shabu, kung ang nakuha mula sa suspek ay 10 grams o higit pa, ang kaukulang parusa ay habangbuhay na pagkabilanggo; kung 5 grams o higit pa pero hindi aabot ng 10 grams, ang kaukulang parusa ay 20 years and 1 day hanggang life imprisonment, depende sa sitwasyon ng kaso; kung less than 5 grams naman, ang kaukulang parusa ay 12 years and 1 day hanggang 20 years. Para sa ibang uri ng droga ay mayroon ring nakasaad na gramo kung kailan ang kaukulang parusa ay habangbuhay na pagkabilanggo o mas mababang parusa.
Dahil sa mga nabanggit na kaukulang parusa, maaari lamang magpiyansa upang pansamantalang makalaya kung mapapatunayang ang ebidensiya laban sa akusado ay hindi malakas. Ito ay didinigin ng korte kung ang akusado ay magfile ng petition for bail. Kung ang petition for bail ay magrant at makapagpiyansa ang akusado, pinapaalala namin na dapat sumunod sa utos ng korte ukol sa pag-attend ng mga hearing upang hindi maforfeit ang piyansa at hindi mag-issue ang korte ng panibagong warrant of arrest laban sa akusado.
Mariin naming pinapaalala na ang mga nabanggit na mga kaukulang parusa ay para lamang sa mga mapapatunayang nagkasala sa ilalim ng batas. Kung ang akusado ay mapatunayang hindi nagkasala, nararapat na maglabas ng release order ang korte at agarang mapapalaya siya.