Sa kasalukuyan ay wala pong batas na nagbabawal magpaalis or maningil ng upa habang mayroong community quarantine.
Gayunpaman, ayon sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act at sa Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas, nirerequire ang bawat lessor at bangko na magbigay ng at least thirty (30) days na grace period o palugit para mabigyan ng pagkakataon ang umutang or umupa na magbayad. Ayon na rin sa batas, isang beses lamang ito required ibigay ng lessor or bangko sa umutang or umuupa. Hindi rin mapapatawan ng interest ang sakop ng nasabing grace period or palugit. Hindi rin pwedeng gawing basehan ng pagpapa-alis or pag-evict ang hindi pagbayad habang grace period or palugit. Gayunpaman, kung natapos na ang grace period ay hindi pa rin nakapagbayad ng renta or upa ay pwede na itong gawing basis ng pagpapa-alis or eviction.
Kung sakaling paalisin naman, hindi maaaring gawin ito ng landlord or lessor nang pwersahan. Kailangan na mayroong court order para dito. Kailangan magsampa ng ejectment case at magkaroon ng desisyong sinasabing dapat umalis ang tenant or lessee. Matapos lamang ang mga hearing saka maglalabas ng court order ang korte at saka kayo pwedeng paalisin sa tulong ng sheriff and/or ng pulisya, depende sa sitwasyon.