Ang pinakamabisang ebidensiya ng pagmamay-ari ng lupa ay ang Certificate of Title nito. Ayon kasi sa ating batas, oras na mag-issue ng titutlo ng lupa ay ito ay nagiging indefeasible. Ibig sabihin, hindi pwedeng kwestiyunin ang titulo liban na lamang sa ilang exceptions. Pwede pong icheck sa Registry of Deeds kung sino ang registered owner ng lupa at makikita rin doon ang titulo ng lupa kung saan nakasaad ang registered owner, technical description ng lupa (saan located, ano ang mga nakapaligid na lupa at features, sukat, etc.), kung paano ito nailipat sa kasalukuyang may-ari, kung may mga registered na mga encumbrances o mga sangla, ibang taong nagkeclaim, at iba pang impormasyon.
Kung ang isang lupa naman ay hindi titulado, pwede namang icheck ang Tax Declaration nito. Ang Tax Declaration naman ay nagpapakita kung sino ang registered na nagbabayad ng Real Property Taxes para sa lupa. Nakasaad din doon ang registered owner, ang zonal value ng lupa, sukat, location, at iba pang impormasyon. Maaari naman macheck ang Tax Declaration ng property sa Assessor’s Office sa lokal na pamahalaan na may sakop sa lupa.
Kung walang titulo at tax declaration, pwede pong iconsider na ebidensiya ng ownership ang pagbabakod sa property, pagtira dito, pagtatanim ng iba’t ibang pananim dito, at iba pang mga aksiyon na magpapakita na ang isang tao ay may occupation sa nasabing lupa.
Sa pangkalahatan, kung walang titulo ang isang lupa ay kailangan ng kombinasyon ng mga ebidensiya ng ownership nito bago masabing ang isang tao ay ang talagang may-ari ng lupa.