Puwede po palitan ang maling kasarian sa pamamagitan ng prosesong administratibo sa Local Civil Registrar sa ilalim ng Republic Act 10172.
Ngunit may mga requirement na kailangang ibigay sa LCR upang patunayan na ang pagpapalit ng kasarian sa birth certificate ay typographical error lang at hindi sa ibang bagay.
Kabilang dito ang pinakamaagang school record o medical records upang maipakita natin ang totoong kasarian.
Dapat ding magsumite ng dokumento mula sa religious authorities gaya ng baptismal certificate na nagpapakita ng kasarian.
Bukod pa riyan, kailangan din ng certification mula sa isang accredited na doktor ng gobyerno na nagpapatunay na hindi kayo dumaan sa sex change o sex transplant operation.
Nagkaroon kasi ng isang kaso na umabot sa Supreme Court (SC) kung saan ang tao na naghain ng petisyon para palitan ang kanyang kasarian ay sumailalim sa isang sex change operation.
Sa desisyon ng Korte Suprema, hindi itong puwedeng gawin kung nagpapalit ng kasarian ang isang tao sa pamamagitan ng operasyon. Ngunit ito’y hiwalay na isyu sa ating pinag-uusapan sa ngayon.
Napansin ko rin ang halaga na inyong nabanggit. Medyo mataas ang halaga na sinisingil sa inyo dahil sa implementing rules and regulations (IRR) galing sa LCR, P3,000 lang ang dapat bayaran sa petisyon sa pagpapalit ng kasarian.
Kung ikaw naman ay nasa abroad o lumipat na ng lugar at nais maghain ng migrant petition, kailangan mo lang magdagdag ng P1,000 sa babayaran.
Mas mabuti kung linawin niyo sa LCR sa inyong lugar ang halaga na dapat bayaran sa pagbabago ng kasarian upang hindi na madagdagan pa ang inyong gastos.