Ayon sa DOLE Department Order 215 na inilathala noong October 23, 2020, maaaring suspendihin ang employer-employee relationship (o ilagay sa “furlough” o “floating” status ang isang empleyado) sa loob ng anim (6) na buwan. Sa panahon naman ng pandemya (tulad ng nangyayari ngayon) o iba pang national emergency, maari rin itong i-extend ng karagdagan pang anim (6) na buwan.
Sa pangkalahatan, ang furlough period ay di maaaaring tumagal ng higit sa isang (1) taon. Ang epekto ng furlough ay ang temporaryong pag-suspende ng employer-employee relationship sa loob ng panahong ito.
Naipaliwanag na ng Supreme Court na kailangang magbigay ng written notice sa empleyado at sa apropriyadong DOLE regional office isang (1) buwan bago maging epektibo ang anumang furlough. Bukod dito, ang anumang extension ng furlough ay dapat base sa kasunduan ng mga empleyado at employer, at kinakailangang i-report ulit ng employer sa DOLE sampung (10) araw bago ito maging effective.
Kung matapos na ang panahaong ito, ang dalawang maaaring mangyari ay:
- ibalik sa trabaho ang empleyado (“return to work”); o
- kung kinailangan ng kumpanya at may sapat itong basehan, i-terminate ang empleyado sa pamamagitan ng retrenchment. Sa kasong ito, may karapatan ang empleyadong makatanggap ng separation pay o iba pang severance benefits na maaaring nakasaad sa kontrata, collective bargaining agreement, o iba pang naitatag na polisiya ng kumpanya. Para rito, ang unang anim (6) na buwan ng furlough ay dapat isama sa komputasyon ng separation pay.
Para sa mas masusing gabay ukol dito, maaaring sumangguni sa DOLE hotline 1349, o tawagan ang angkop na DOLE Regional Office sa inyong lokasyon sa mga numerong makkita sa sumusunod na link: http://ble.dole.gov.ph/index.php/contactusmenu/115-dole-regional-offices.