Hindi ito pwedeng gawin ng employer. Ayon sa ating batas tungkol sa passport, ito ay property ng Government of the Republic of the Philippines at pinapahawak lamang sa inissuehan nito. Pwede lamang itong isurrender sa Philippine Service Post for storage and safekeeping at may kaukulang resibo. Wala na pong iba pang pwedeng humawak nito kundi ang taong naissuehan at ang nabanggit na Philippine Service Post.
Sa ganang ito, maipapayong idulog sa Lupong Tagapamayapa ng barangay na may sakop sa opisina ng employer ang problema. Kung hindi pa rin ibalik ang inyong passport, pwede kayong magsampa ng kasong replevin or recovery of possession of property para hilingin sa korte na ibalik sa inyo ang inyong passport. Pwede ring humiling ng danyos para sa perwisyong ginawa sa inyo.
Para sa mas masusing gabay ukol dito, maaaring sumangguni sa DOLE hotline 1349, o tawagan ang angkop na DOLE Regional Office sa inyong lokasyon sa mga numerong makkita sa sumusunod na link: http://ble.dole.gov.ph/index.php/contactusmenu/115-dole-regional-offices.
Bukod dito, pwede rin ireklamo sa POEA ang ginawa ng agency dahil violation naman ito ng rules ng POEA. Pwedeng tawagan ang 8-722-11-44 / 8-722-11-55. Pwede ring mag-email sa connect@poea.gov.ph or sa legalassistance.poea@gmail.com. Pwede ring bisitahin ang link na http://legalassistance.poea.gov.ph/main/legalcounseling.
Pwede rin namang masaklaw ng criminal case na Grave Coercion ang paghold sa passport o anumang gamit ng employee kung present ang sumusunod na elements:
- ang biktima ay pinigilan ng akusadong gawin ang bagay na hindi labag sa batas o pinilit gawin ang anumang bagay;
- ang pamimilit ay sa pamamagitan ng puwersa, dahas, banta, o pananakot; at
- ang akusado ay walang karapatan gawin ito.