Bago mag-issue ng warrant of arrest ang isang korte, dumadaan ito sa proseso na tinatawag na preliminary investigation na naglalayong desisyunan kung may may sapat bang batayan para magkaroon ng paniniwalang may krimen ngang naganap, at na malamang ang akusado ang responsible para rito at siyang nararapat na sampahan ng kaso sa korte (“probable cause”). Ang preliminary investigation ay nagtatapos sa pag-issue ng resolution ng prosecutor. Sa resolution, maaaring mag-desisyon ang prosecutor na i-dismiss ang kaso kung walang sapat na ebidensiya, o kung may probable cause, ituloy na ang pag-file ng kaso (“information”) sa korte para magsimula ang trial ng akusado.
Kung ito ay pormal na nai-file ng prosecutor sa korte, saka pa lamang magdedesisyon ang korte kung angkop ang pag-issue ng warrant of arrest para sa pagkakakulong ng akusado.
Base sa nabanggit, ang kailangan i-determine bago mag-issue ng warrant of arrest ay kung may probable cause o paniniwalang ang akusado ang responable para sa nangyari. Ang paniniwalang ito ay dapat based sa complaint ng biktima at sa iba pang maipepresenta sa prosecutor. Ang pagtukoy nito ay personal na gagawin ng judge.
Ang pagdetermina kung may sapat na ebidensya ba para hatulan ang akusado ay didinggin pa lamang sa trial.