Kung magkaparehong criminal case ang isinampa laban sa akusado at ang unang kaso ay na-dismiss sa merits, maaaring ihain na depensa sa pangalawang kaso ang forum shopping at double jeopardy na ipapaliwanag sa ibaba.
Mayroong forum shopping kapag ang mga sumusunod na elemento ay naroon (Sotto v. Palicte, GR 159691, February 17, 2014):
(1) Magkapareho ang mga partido o ang mga interes na kanilang kinakatawan sa magkaugnay na kaso;
(2) Magkapareho ang karapatan na ipinaglalaban at ang hinihiling na aksyon na nagmumula sa isang pangyayari; at
(3) Magkapareho ang dalawang nabanggit na elemento kung saan anumang desisyon sa isang kaso, kahit sinoman ang magwagi, ay magiging res judicata sa kasalukuyang nagpapatuloy na kaso.
Res judicata ang tawag sa patakaran na ang desisyon sa merits ng korteng may angkop na jurisdiction ay magiging tiyak na hatol sa karapatan ng mga partido sa lahat ng susunod na kaugnay na kaso. Ang elemento ng res judicata ay ang mga sumusunod:
(1) Ang naunang desisyon ay final;
(2) Ang desisyon ay on the merits;
(3) Ang korte na naghatol ng desisyon ay may angkop na jurisdiction sa kaso at sa mga partido; at
(4) Magkapareho ang partido, paksa (subject matter), at pinaglalaban (cause of action) ng dalawang kaso.
Ayon naman sa Rule 117 ng Rules of Criminal Procedure, maaaring ihain na depensa sa isang criminal case ang double jeopardy kapag ang mga sumusunod na elemento ay naroon:
(1) Mayroong valid information na isinampa sa korte sa unang kaso para sa parehong krimen;
(2) Ang korte ay may angkop na jurisdiction sa kaso;
(3) Ang akusado ay dumaan sa arraignment at nagbigay ng kanyang plea kung guilty o not guilty; at
(4) Ang akusado ay na-convict o acquit, o na-dismiss ang kaso na walang ang kanyang pahintulot.
Sa ganang ito, kung magkapareho ang mga partido sa dalawang kaso at dahil isinampa ng complainant ang pangalawang kaso para sa parehong rason at gamit ang ebidensiyang inihain sa unang kaso, ipinapalagay na nagmumula sa isang pangyayari ang dalawang kaso kung saan magkapareho ang karapatan na ipinaglalaban at ang hinihiling na aksyon ng complainant. Ipinapalagay rin na ang korte sa unang kaso ay may angkop na jurisdiction at ang kaso ay na-dismiss on the merits. Base sa nabanggit na mga elemento ng forum shopping, ang pangalawang kaso laban sa akusado ay maaaring maibasura. Dagdag pa dito, kung ipapalagay na sa unang kaso ang akusado ay nakapag-arraignment na, nagbigay ng plea, at na-acquit o na-dismiss ang kaso na wala ang kanilang pahintulot, maaring maibasura ang pangalawang kaso dahil sa double jeopardy.