Ayon sa Article 376 ng Civil Code “No person can change his name or surname without judicial authority.” Ibig pong sabihin nito, ang anumang pagbabago sa mga entries sa civil register ay kailangang magkaroon muna ng judicial order or utos mula sa korte bago ito mabago.
Sa ganang ito po, para sa pagpalit ng apelyido para sumunod sa apelyido ng nanay, kailangan pong magsampa ng Petition for Change of Name under Rule 103 ng Rules of Court. Kailangan ninyo ng abogado para rito. Matapos lamang ng hearings ay saka magdedesisyon ang korte kung pwede ngang palitan ang apelyido para dalhin ang apelyido ng nanay. Matapos lamang lumabas ang desisyon ay saka papalitan ng local civil registrar ang apelyido sa birth certificate.
Maaaring grounds naman ninyo dito ay ang Article 176 ng Family Code na nagsasabing ang illegitimate child ay dapat gamitin ang apelyido ng kanyang mother.
Kailangan din tandaan na ayon naman sa mga desisyon ng Supreme Court at Memorandum ng Philippine Statistics Authority, ang isang illegitimate child na gagamitin ang apelyido ng kanyang nanay ay dapat walang middle name dahil traditionally ang middle name ay ang apelyido sa pagkadalaga ng ina ng isang tao. Dahil susunod na siya sa apelyido ng nanay, wala na siyang middle name dapat sa birth certificate.