Aming pinapaalala na ang kontrata sa trabaho (employment contract) ay hindi kinakailangang nakasulat. Ang pagkakaintindihan gamit ang mga salita ay sapat na para magkaroon ng relasyong employer-employee sa iyo at iyong kumpanya. Gayunpaman, nakasaad sa Article III, Section 18(2) ng ating Konstitusyon na walang sinuman ang maaaring piliting magsilbi at magtrabaho nang hindi ito boluntaryong pinipili.
Sa ganang ito, maaari kang umalis sa iyong trabaho kung ito ang ninanais mo sa pamamagitan ng pagsabi nito sa iyong employer. Paalala lamang na maaari ka nilang pagtrabahuin nang hinid hihigit sa 30 days, depende sa pangangailangan ng kumpanya, mula sa araw ng iyong pagsabi sa kanila ayon sa Article 299 ng Labor Code natin. Maaari kang pagbayarin ng danyos kung hindi mo masusunod ito.
Para hindi maging masama ang pag-alis mo sa iyong current employer, maaari mong ipaliwanang nang maayos na dahil sa mga pagbabago sa iyong kalagayan, ikaw ay hindi na tutuloy sa pagpirma ng kontrata sa kanila. Maaari mo ring ipahayag ang iyong pasasalamat sa naging magandang pakikitungo nila sa iyo at na hinahangad mo na magpatuloy ang tagumpay ng kanilang negosyo sa hinaharap.
Kung dumating sa sitwasyon na ayaw kang paalisin ng iyong current employer, pwede mong ipaliwanag na hindi maaaring piliting magsilbi ang isang manggagawa kung hindi na nito gusto. Ang karapatan na to ay binibigay sa ating lahat. Kung sakaling humantong sa hindi magandang pangyayari ang pag-alis mo sa iyong employer, maaari kang tumawag sa 24/7 Hotline ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa numerong 1349. Maaari ring ma-contact ang mga lokal na DOLE office sa sumusunod na link: http://ble.dole.gov.ph/index.php/contactusmenu/115-dole-regional-offices.