Hindi labag sa batas ang pag-hold ng kumpanya ng inyong huling sahod at irequire ang clearance sa pag-release nito. Ayon sa mga kaso na napagdesisyunan ng Korte Suprema, ang pag-require ng clearance bago i-release ang huling sweldo ay standard na procedure para sa mga employers. Hindi rin ito nangangahulugan na mababawasan ang benepisyo na matatanggap ng empleyado, at alinsunod rin ito sa probisyon ng Civil Code patungkol sa pag-withhold ng wages.
Sa kabila nito, at ayon sa Labor Advisory No. 6, Series of 2020 na inilabas ng DOLE, kailangan mai-release ang Final Pay sa loob ng thirty (30) days mula sa separasyon sa trabaho, at ang clearance procedure ay nadaanan na ng empleyado.
Kung di sumunod sa nabanggit, pwedeng ireklamo sa kinauukulan ang employer.
Kung ang money claims ninyo ay lagpas sa P5,000.00, maaaring magsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) tungkol dito. Ang proseso pong ito ay masisimulan sa pamamagitan ng request for assistance para sa Single Entry Approach (SEnA) sa kaukulang regional arbitration branch ng NLRC na may sakop sa lugar ng inyong employer. Kung sakop naman ng NCR ang inyong employer, maaari kayong magfile online ayon sa nakasaad sa sumusunod na link: https://nlrc.dole.gov.ph/Node/view/TlYwMDAxOA.
Kung hindi naman lalagpas sa P5,000.00, ang reklamo ay dapat isampa sa Regional Director ng DOLE regional office na may sakop sa inyong office. Pwede rin pong gawin online ang pagreklamo sa link na ito: https://sena.dole.gov.ph/.
Para sa mas masusing gabay ukol dito, maaaring sumangguni sa DOLE hotline 1349, o tawagan ang angkop na DOLE Regional Office sa inyong lokasyon sa mga numerong makkita sa sumusunod na link: http://ble.dole.gov.ph/index.php/contactusmenu/115-dole-regional-offices.