

Ayon sa ating Saligang Batas, “[a]ng wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino…[at] dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang medium ng opisyal na komunikasyon […]”
Sa kabila nito, nananatiling banyaga at malayo sa karaniwang mamamayan ang ating mga batas. Bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao sa loob ng ilang dekada na, karamihan ng mga kliyente natin ay mga ordinaryong mamamayan na hindi bihasa sa Ingles. Dehado na nga sila dahil wala silang pera at kakayahan, mas lalo pa silang dehado dahil hindi nila naintindihan ang batas.
Ganoon din ang napansin namin noong itinayo natin ang Free Legal Help Desk sa internet. Ang mga legal na bagay, tulad ng pagwawasto ng birth certificate, pagsuporta ng magulang sa anak, o mga batas para sa mga manggagawa ay wala sa kaalaman ng karaniwang Pilipino dahil ito’y nakasaad sa wikang Ingles.
Ang kakulangan ng sapat at malinaw na kaalaman ukol sa batas ay isang hadlang sa pagkakamit ng katarungan. Isa sa mga ugat ng problemang ito ay ang paggamit ng wikang Ingles sa ating sistema ng batas—isang wikang hindi ginagamit ng karamihan sa pang-araw-araw na buhay.
Samantala, ang mga batas ng mga karatig-bansa ng Pilipinas, gaya ng Indonesia, Thailand, Vietnam, Cambodia, Laos, Myanmar, at Timor-Leste, ay nasa kani-kanilang pambansang wika. Sinusuportahan ng kanilang mga pamahalaan ang pagyabong ng kanilang sariling wika. Ipinapakita nito na posible ang paggamit ng sariling wika sa pagsulat ng mga batas. Sa ganitong paraan, mas napapalapit sa mamamayan ang katarungan at napapalalim ang kanilang kaalaman sa kanilang mga karapatan at pananagutan.
Kaya’t nararapat lamang na isalin sa ating sariling wika ang mga batas ng Pilipinas. Bagama’t ito ay dambuhalang gawain, kinakailangang may pagsimulan ito. Maaaring magsimula sa pagsasalin ng mga batas na nagpapataw ng parusa, tulad ng pagkakakulong o pagmumulta, sa mga wikang ginagamit ng pinakamalalaking pangkat etniko sa bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang apat na pinakamalalaking pangkat etniko sa Pilipinas ay ang mga Tagalog (dalawampu’t anim na porsyento o 26%), Bisaya (labing-apat na porsyento o 14.3%), Ilokano (walong porsyento o 8%), at Cebuano (walong porsyento o 8%). Ginagamit ng mga pangkat etnikong ito ang mga wikang Filipino, Bisaya, at Ilokano.
Itong linggo, ihahain natin bilang Akbayan representative ang panukalang batas na nag-aatas isalin ang mga batas sa wika natin o “Batas sa Sariling Wika.” Sa ilalim ng panukalang ito:
(1) Sususugan ang ilang probisyon ng E.O. 292 o Revised Administrative Code of 1987 upang atasan ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na isalin, sa loob ng siyamnapung (90) araw, sa wikang Filipino, Bisaya, at Ilokano ang mga maipapasang batas sa hinaharap na nagpapataw ng parusa;
(2) Inaatasan din ang KWF na isalin sa loob ng limang taon ang mga kasalukuyang umiiral na batas na nagpapataw ng parusa;
(3) Hinihikayat ang pagsasalin ng mga nasabing batas sa iba pang mga wika sa Pilipinas, kasama ang mga wika ng mga katutubong pamayanan; at
(4) Inaatasan ang Presidential Communications Office (PCO) na ilathala ang mga opisyal na pagsasalin sa Official Gazette.
Inaanyayahan po natin ang mga kasama nating mambabatas na sumama sa pagsulong nitong panukalang batas bilang co-author o co-sponsor.
Ngayong Linggo ng Wika, ilapit natin ang batas sa karaniwang Pilipino. Isulong natin ang Batas sa Sariling Wika.
Maraming salamat po.