Bago pa man bumili ng lupa, mainam na icheck ang titulo nito at ang kasalukuyang pisikal na estado ng lupa.
Para sa titulo, maiging hilingin sa seller na ipakita sa inyo ang owner’s copy ng titulo at bigyan kayo ng kopya (photocopy) nito at ng kanyang government issued ID. Sa ganitong paraan po, malalaman ninyo ang title number, makukumpara kung ang original at photocopy ay pareho, at malalaman kung ang seller ang mismong may-ari ng lupang binebenta niya. Kung hindi naman siya, kailangan na mayroon siyang Special Power of Attorney na nagbibigay sa kanya ng authority para ibenta ang lupa.
Pagkakuha ng copy ng titulo, mainam na icheck sa Registry of Deeds kung ang titulong ito ay existing pa o cancelled na o di kaya naman ay mayroong mga sangla o iba pang encumbrances na makikita sa titulo na nakaregister sa Registry of Deeds. Kung mayroon pong mga encumbrances, maipapayong hilingin sa may-ari na siya ang lumakad ng cancellation ng mga ito upang hindi na ninyo problemahin dahil kung ipapatransfer ninyo ito sa inyong pangalan na hindi cancelled ang mga ito ay masasama ang mga encumbrances na ito sa inyong bagong titulo.
Kung mapag-alaman namang walang titulo, dapat naman ay mayroong tax declaration ang lupa para at least may kaunting evidence na ang owner talaga ang nagbebenta sa inyo. Pwede naman ito icheck sa assessor’s office ng local government na may sakop sa lupa.
Maigi rin pong puntahan ang lupa para makita kung wala pong mga nakatira o informal settlers sa lugar. Magiging problema rin kasi na magpaalis ng mga nasabing informal settlers kung sa inyo na nakapangalan ang titulo ng lupa. Kung sakaling may mga informal settlers man, maipapayong hilingin sa seller na sila ang magpaalis sa mga ito upang hindi na ninyo problemahin pagkabili ninyo.
Kung naverify na na talagang ang nagbebenta ang may-ari or authoried ng may-ari na ibenta ang lupa, at walang encumbrances, at walang informal settlers, maaari na kayong magexecute ng Contract to Sell kung installment ang bayaran ng lupa, at Deed of Absolute Sale (DOAS) naman kung fully paid na ang lupa. Dapat ay notaryado ang mga ito. Dapat na nakalagay sa mga instruments na ito ang pangalan ng seller, pangalan ng buyer, ang tamang title number at technical description ng lupa, ang presyo ng bentahan, at iba pang mahahalagang dates involved specially kung installment ang bayaran. Dapat pong tandaan na dapat ay may at least walo (8) copies kayo ng DOAS dahil kukuha ng kopya nito ang notaryo, registry of deeds, BIR, assessor’s office, treasurer’s office, at ang seller at ang buyer.
Kapag na-execute na ang DOAS or Contract to Sell, maipapayong ipa-annotate agad ito sa titulo ng lupa (kung meron) para maging notice sa ibang tao na nabili na ninyo ang lupa.
Ang DOAS na ang proof ng inyong payment para sa pagbili ng lupa kung fully-paid na. Kung Contract to Sell naman po, magpaissue na lamang ng mga acknowledgment receipt tuwing magbabayad ng installments. Tandaan na kung Contract to Sell ang ginawa ay kailangan itong palitan ng DOAS kapag fully-paid na.
Ang DOAS ang dokumentong gagamitin para isubmit sa BIR para magbayad ng kaulang taxes para sa transfer nito. Matapos nito ay magissue ang BIR ng Certificate Authorizing Registration na magsasabing bayad na nga kayo sa taxes para sa transfer. Kailangan isubmit ang mga sumusunod sa Registry of Deeds para matransfer ang titulo sa inyong pangalan:
• Certificate Authorizing Registration
• Deed of Absolute Sale
• Original Owner’s Copy of Title
• Realty Tax Clearance (mula sa assessor’s office ng LGU kung nasaan ang lupa)
• Certified True Copy of Tax Declaration(mula sa assessor’s office ng LGU kung nasaan ang lupa)
• Transfer Tax Receipt/clearance (mula sa treasurer’s office ng LGU kung nasaan ang lupa)
Mayroon pong mga kaukulang fees at taxes na babayaran sa LGU kung nasaan ang lupa bukod pa sa babayarang fees and taxes sa BIR. Mayroon din pong fees sa Registry of Deeds sa pagtransfer ng title nito sa inyong pangalan.
Pinapaalala din namin na dapat ay ipatransfer ang tax declaration matapos mapatransfer ang titulo. Mayroon din itong fees na kaakibat.
Kung walang titulo nga, ang ipatransfer ninyo ay ang tax declaration sa pamamagitan pa rin ng DOAS. Gayundin kailangan din ninyo magbayad ng taxes sa BIR para mag-issue ng CAR bago mapatransfer ang tax declaration.