Maaari bang ikulong ang mga hinuli ng pulis nang walang warrant of arrest?
Puwede, kung pipirma sila ng Waiver ng Article 125 ng Revised Penal Code.
Sa Article 125 kasi, krimen ang Delay in the Delivery of Detained Persons to the Proper Judicial Authorities.
Pag nanghuli ang pulis at inaaral pa ang pagsampa ng kasong kriminal, may limitasyon sa panahon ng pagkulong:
- 12 hours, sa krimen na may parusang light penalties;
- 18 hours, sa krimen na may parusang correctional penalties; at
- 36 hours, sa krimen na may parusang afflictive or capital penalties.
Kung kinulong ang nahuli lagpas sa tamang panahon, sa ilalim ng Article 125 ay gumagawa rin ng krimen ang pulis at pwede silang kasuhan.
Ito ang rason kung bakit ang mga hinuhuli ay pinapapirma ng Waiver of Article 125- para walang habol sa pulis.
May sitwasyon kasi na payag naman ang nahuli na ikulong siya ng mas mahabang panahon- kung nag-request ito ng kumpletong preliminary investigation, sa halip na inquest kapag nahuli nang walang warrant of arrest.
Pinapapirma siya ng Waiver of Article 125 para malinaw ang pagpayag niya.
Pero sa pagpirma nito- dapat buo ang pag-unawa.
Sa R.A. 7438 (“Rights of Persons Arrested, Detained or Under Custodial Investigation”) rin, nakasaad na:
“Any waiver by a person arrested or detained under the provisions of Article 125 of the Revised Penal Code, or under custodial investigation, shall be in writing and signed by such person in the presence of his counsel; otherwise the waiver shall be null and void and of no effect.”
Quote from R.A. 7438
Ibig sabihin- kailangang may abogadong kasama sa pagpirma nito.
Kung wala- walang epekto ang waiver, at walang karapatang ikulong lagpas sa mga panahong nasa Article 125.
Kung mapunta po kayo sa ganitong sitwasyon, kumuha po agad ng abogado para mabigyan ng payo sa inyong sitwasyon.
Wag pong pipirma ng anumang waiver kung walang sapat na impormasyon o pag-unawa dito,
At kung piliin mang pumirma ng Waiver of Art. 125, dapat ay kasama ang inyong abogado.