Porke ba artista, puwede nang siraan nang walang pananagutan? Hindi po.
Sa kasong libel pinaparusahan ang malisyosong paninira sa reputasyon ng isang tao kung ito ay inilathala o published, tulad ng artikulo sa dyaryo, post, at comment sa social media.
Pag dating sa mga sikat na mga celeb, o mga public figure na pinag-uusapan ng marami, pwedeng magkaso ng libel — PERO dapat may aktwal na malisya sa ginawa.
Ano ang aktwal na malisya?
Ibig sabihin nito – pinost ni Marites ang chismis para siraan ang reputasyon ng artista,
kahit alam niyang hindi totoo ang chismis; o nang walang pakialam kung totoo man o hindi ang chismis.
Pano naman ang mga blind item na hindi naman nakalagay ang pangalan ng artista?
Ayon sa Korte, hindi kailangang sabihin ang pangalan ng sinisiraan. Kung may nakakilala sa kanya dahil sa detalyeng nakalagay sa post, maaari nang ituring na libel ito.
Lahat tayo, kahit artista, ay may karapatang idefend ang pangalan nila.
At ang paninira ng kapwa- hindi naman talaga dapat ginagawang entertainment o libangan.