Pwede ninyong singilin ang nakuhang pera sa inyo at sampahan din ng criminal case ang nanloko sa inyo.
Pwede ninyong simulan sa pagpadala ng demand letter. Mainam tandaan na ilagay sa demand letter ang halaga na sinisingil, ang kasunduan o kontrata na basehan ng iyong pagsingil, ang pagtakda ng panahon para bayaran ka, at ang paalala na maaari kang gumamit ng iba pang legal remedies para maipaglaban ang iyong karapatan kung hindi siya magbayad sa takdang panahon. Bukod dito, mainam din tandaan na ipadala ang demand letter gamit ang registered mail para makakuha mula sa post office ng proof of service o patunay na ito ay napadala sa iyong sinisingil. Maaari ring ipadala ang sulat gamit ang mga private courier na mayroong system para mapakitang natanggap ng pinadalhan ang sulat.
Maipapayo ring dumulog sa Lupong Tagapamayapa ng barangay kung nasaan ang business office ng pinaginvestan ninyo. Kung magkasundo sa payment terms ay ilagay ito sa kasulatan at ipanotaryo. Kung hindi naman, magpaissue ng Certificate to File Action.
Matapos magpadala ng demand letter at sumangguni sa Lupon ay saka magsasampa ng civil case for collection na maaaring sa small claims court or sa regular courts.
Maaaring masaklaw sa small claims court ang inyong kaso kung ang inyong hihilingin lamang ay ang pagbayad sa inyo ng perang inutang at kung ang amount ay hindi lalagpas sa P1,000,000.00. Hindi mo kailangan ng abogado upang mag-file ng kaso para sa small claims, at ipinagbabawal ang partisipasyon ng abogado sa ganitong proseso.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa small claims cases tulad ng mga sample ng forms at frequently asked questions, maaaring tignan ang susunod na link: https://oca.judiciary.gov.ph/small-claims/.
Kung hindi naman saklaw ng small claims court, maaaring isampa ang regular na civil case for collection of sum of money and damages sa Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court, or Municipal Circuit Trial Court, alinman ang applicable sa inyong lugar, kung ang amount na hinihiling ninyo ay di lalagpas sa P2Million. Kung ang amount na sisingilin naman ninyo ay lagpas sa P2Million, ito ay isasampa ninyo sa Regional Trial Court. Sa parehong sitwasyon ay pwede rin humiling ng danyos para sa perwisyong ginawa sa inyo.
Tungkol naman sa nabanggit niyong scam, maaaring magsampa ng criminal case ng estafa sa ilalim ng Revised Penal Code laban sa scammer, kung mapatunayan na:
(1) Dapat ay may grave abuse of condience or unfaithfulness, or may false pretense, or fraudulent act, or means na ginawa ang offender;
(2) Ang nasabing grave abuse of condience or unfaithfulness, or false pretense, or fraudulent act or means, or means ay dapat ginawa bago or habang ginagawa ang panloloko sa biktima;
(3) Umasa ang biktima sa offender dahil sa isa sa mga nabanggit na gawain, ibig sabihin, nakumbinsi siyang ibigay ang pera or property or service niya dahil dito; at
(4) Dahil sa nangyari, nagkaroon ng perwisyo sa biktima.
Para ireklamo ang kabuuang gawain ng kumpanya, maaaring lumapit sa Enforcement and Investor Protection Department ng SEC sa 8584-6637.
Maaaring maghain ng complaint sa PNP Anti-Cybercrime Group. Maaaring sumangguni sa kanila sa mga numerong: +63 961 829 8083 (Smart) at +63 9155898506 (Globe) o mapgadala ng mensahe sa Facebook: Facebook.com/anticybercrimegroup o Twitter:@pnpacg.
Maaari rin makipag-ugnayan sa NBI Operation Center sa 0961-734-9450, NBI Anti-Fraud or Cybercrime Divisions sa 85238231-38, o mag-message sa NBI website o sa kanilang Facebook account.
Maaaring sabay-sabay gawin ang mga nabanggit dahil iba-ibang aspeto ang saklaw ng bawat isa.
Upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari, minumungkahing sumangguni sa Investment Scam Checklist na hinanda ng Securities and Exchange Commission sa susunod na link: https://www.sec.gov.ph/investors-education-and-information/investment-scam-checklist/.